Buwan ng Wika again?

Akda ni John Gabriel Pabico-Lalu, Editor-at-Large  |  

BAGO PA MAN sumapit ang buwan ng Agosto, kabi–kabila na ang mga nabubuong slogan, partikular ng mga mag–aaral sa elementarya at sekondarya tungkol sa pangangalaga at pagbibigay importansya sa Wikang Pambansa.  Nagmimistulang mga kabute ang mga placard at poster na itinanim (kahit hindi itinatanim ang kabute) ng mga guro sa mga estudyanteng animo’y lupang siyang magbibigay sustansya.

Umulan man o umaraw, tuloy ang programa.  The show must go on.

Napakarami ng pangyayari, katulad na lang ng dagliang talumpatian, tagis–talino, Balagtasan,  malikhaing pagsusulat ng sanaysay at tula, pag–awit, pagsayaw, at siyempre pa, ang pagpili ng pinakamaganda at pinakamakahulugang slogan.  Kanya–kanyang pagbibida ng slogan ang mga bata at ang mga stage parents nilang ever–concerned sa ranking sa eskwelahan.

Kung dahop kayo sa buhay: “Daaanin mo na lang sa kulay, anak, para attractive.  Kung mayaman si Papa: “Aba sige, magpaprint sa kuya mo, para high tech.”

Kaso, artificial plants lang pala ang ipinunla ng mga guro –– dekorasyon lamang, pampasarap sa mata.

Malamang, kung artificial ang mga pananim, ang ginamit na lupa ay artifical soil din.  At ang mga ideyang makabayan na pampausbong at pampaganda sana ng artificial plant, artificial water at artifical fertilizer pala: lahat, artificial.  Pakitang tao para sa mga taong nagpupumilit magpakatao; pakitang Pilipino para sa mga taong nagpupumilit magpaka–Pilipino.

Sa pagkakaalam ko, mayroong tatlumpu’t isang araw ang buwan ng Agosto.

Mukhang tatlumpu’t isang araw nanaman tayong maglolokohan.

 

PosterBW2013Mula sa Inglesero

HINDI NAMAN TALAGA ako nagsusulat sa Tagalog noon.  Sa totoo lang, magpahanggang ngayon, mas bihasa ako ng kaunti sa wikang Ingles, bagamat aminado akong mas gusto kong magsulat sa Tagalog.  Bakit?  Sapagkat mula Grade One hanggang Grade Six, puro Language at Reading teachers ang namuno sa klase namin.  Noong high school naman, kailangang mag-Ingles para ma-accredit kami ng isang private school association.

Kung hindi pa sa udyok ng guro ko sa Filipino at adviser namin noong Fourth Year high school, hindi talaga ako magsusulat sa Tagalog.  Sa pamamagitan ng turo niya, natuto akong magsulat kung papaano ako magsalita: ibig sabihin, para niyo lang akong kausap sa tuwing binabasa niyo ng mga akda ko.

Kumbaga, nangangahas lamang ako sa tuwing gagawa ako ng artikulo sa Tagalog.  Kulang ang pormal na edukasyon ko noong high school para masabing alam ko ang pasikot-sikot ng wikang ito.  Hindi ko alam ang lahat ng mga technicalities ng Tagalog.

Maliban pa dito, ang hirap daw gamitin ng Filipino sa Math at Science.  Papaano mo nga naman ililipat sa mother tongue ang mga termino sa Math katulad ng tangent, variable, at transposition?  At sa Science, ano ang Tagalog ng nuclear, inertia, at oxidation?

Walang takas o lusot

Bakit hindi mo gamitin ang mismong termino, at i-paliwanag sa Tagalog?

Pwede namang sabihin ng guro na “Mayroong dalawang paraan ng pagbuo ng enerhiyang nuclear: ito ang nuclear fusion at nuclear fission.”  O kaya naman, pwedeng “Ang batas tungkol sa inertia ay una sa mga batas ni Newton tungkol sa motion.”

Bakit, akala niyo ba ay galing sa Ingles ang lahat ng mga terminong ‘yan?  Ang salitang “tangent” ay nagmula sa “tangere” ng Wikang Latin, na ibig sabihin ay hawakan.  Ang “nuclear” at “inertia” ay galing mismo sa Latin.  Ang “oxidation” ay hango sa salita at elementong “oxygen”, na kumbinasyon ng dalawang salitang Latin.

Sabi nga ng propesor ko sa kolehiyo, hangal lamang ang magsasabi na hindi pwede gamitin ang mother tongue sa diskusyon sa loob ng silid-aralan.  Hangal ang magsasabi na hindi siya marunong magsulat sa Filipino, habang kaya niyang gamitin ang ibang mga wika.

At sa tingin ko, pinaka-walang kwenta ang taong nandidiri sa sariling salita.

Sa totoo lang, medyo nasermonan ng nasabing propesor ang isa sa mga kaklase ko na nagsabi na hindi siya marunong magsulat sa Tagalog.  Nagkamali lang naman kasi siya ng pagkakasabi –– ang gusto niyang sabihin ay hindi siya bihasa sa pagsusulat sa Tagalog, kumpara sa kasanayan niya sa Ingles.

Gayunpaman, hindi pa rin ito sapat na alibi.

Sa pananaw ko, hindi ito lang ito dahil sa sinasabing colonial mentality kung saan mataas ang tingin natin sa mga kanluranin.  Siguro, sa sobrang maintindihin nating mga Pilipino, mas iniintindi natin ang mga bagay na malayo sa atin, samantalang hindi nga natin maintindihan ang ating mga sarili.

Ayon kay Rizal

Kung bibilangin siguro kung ilang beses nang nabanggit ang linya sa tulang “Sa Aking mga Kabata” na akda ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, aabot na ito sa isang bilyon.  Ito kasi ang pinakamatibay na pangontra sa colonial mentality pagdating sa lenguaheng ginagamit:

“Ang hindi magmahal sa kanyang salita, higit pa ang hayop at malansang isda; kaya ang marapat pagyamanin kusa, na tulad sa inang tunay na nagpala!”

 Sa maraming beses na naulit ang pahayag na ito ni Rizal, alam pa nga ba ng nakararami ang totoong ibig sabihin nito?

Madalas mapuna ng maraming tao na bumabalik ang sinabi ni Rizal noong bata sa kanya: karamihan kasi ng kanyang akda, isinulat niya sa wikang Kastila.  Ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, maging ang Mi Ultimo Adios, Kastila ang ginamit.

Hindi naman kasi sinabi ni Rizal na masamang matuto ng ibang wika.  Sa totoo lang, inuudyok niya tayong mga Pilipino na maging mga linguistiko, sa pamamagitan ng pagsasabi na “Ang Wikang Tagalog ay tulad din sa Latin, sa Ingles, sa Kastila at salitang anghel.

Ayos lang matuto ng ibang wika –– ang masama ay ang pagwawalang bahala sa sariling salita.  Sa tuwing inuuna natin ang pag-aaral ng ibang lenguahe, mas matalino pa sa atin ang mga hayop, sapagkat kung ano ang ibinigay na tunog sa kanila ng Diyos, ‘yon ang ginagawa nila.

May nakita ka na bang pusang kumakahol?  O pusang umaalulong?  Siguro, kung makakakita tayo ng pusang nagma-“meow” at kumakahol, matutuwa tayo sa pagtataka.  Pero kung makakita ka ng pusa na kumakahol lamang, maraming teorya ang papasok sa utak mo.  Anak ba siya ng pusa sa asong kalye?  O padala ba siya ng mga alien sa atin?

Paminsan pa nga, nakakatakot ang ganitong phenomena.  Baka sinapian ng demonyo ang pusang ‘yon.

Mga ‘pusang’ Pilipino

Marami sa atin ang katulad ng pusang kumakahol lang: marunong ng Ingles at Pranses at kung ano pa mang wika, pero baluktot ang dila pagdating sa Filipino.

Oo, nakakatakot tayo.  Hindi malabo na dumating ang araw na mas marami pa ang gumagamit ng ibang wika kaysa sa gumagamit ng sariling dayalekto sa lupang ito.  Sa ngayon pa lang, ipinapakita ng media ang nakakadiri at kalunos-lunos na estado ng komunikasyon sa bansang ito.  Ayon nga kay Eros Atalia, manunulat at propesor ng Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas at De La Salle University, sa oras na paghaluin mo ang Tagalog at ang Ingles, para mong sinabawan ng Royal ang kanin mo.  Masagwa; ang bagsak niyan, artista.

Taon-taon na lang nating ipinagdiriwang ang Buwan ng Wika, pero hindi ko alam kung may natutunan nga ba tayo.  Hindi ba’t parang insulto na sa tuwing Agosto lang natin ginagamit ng malaliman ang Filipino, kung saan ang dapat ay sa araw-araw na buhay ay hindi natin nakakalimutang ang sariling wika.

Nakakaroon kasi ng konotasyon na ang Wikang Filipino ay para sa masa, at ang Ingles ay para sa mga mayayaman at may mataas na estado sa lipunan, habang sa totoo lang ay mas dapat na gamitin ng mga mayayaman  ang Filipino bilang pagpapasalamat.  Bakit, ipinanganak ba kayo na ibang wika ang nasa dila?  Malamang, marami sa pinanggalingan nila, lalo na kung normal delivery, napamura ‘yan sa sakit.

Malutong na mura, parang chicharon.  At hindi sa Ingles, kung hindi sa Tagalog.

Tignan niyo ang mga newstands at magazine racks sa mga malls at bookstores.  Lamang na lamang ang peryodikong Ingles kumpara sa Tagalog.  Kung mayroon mang nagsusulat gamit ang sariling wika o dayalekto, malamang, hindi pa kagandahan ang laman ng lathalain.

So, ano na?

Hindi naman natin kailangan na tanggalin sa sistema ang ibang wika.  Ang paggamit ko ng Ingles sa pagbuo ng isang artikulong nagsusulong ng Filipinisasyon ay patunay na maaaring mamuhay sa tahimik ang dalawang magkaibang konsepto at wika.  Hindi magkakaaway ang mga wika: pare-pareho silang instrumento ng tao para makapag-usap.

Gasgas na gasgas na pero uulitin ko pa rin –– ang importante lang naman ay ang pagpapahalaga sa wika Filipino.  Oo, alam ko, magulo: ano ba talaga ang pambansang wika?  Ang ibig sabihin ba ng Filipino ay Tagalog, o ang ibig sabihin ba ng Filipino ay ang Tagalog pati ang iba’t ibang dayalekto?

Ngunit, isipin natin: importante pa ba ang mga tanong na ‘yan kumpara sa kasalukuyang estado ng wika, na bumababa ang dignidad dahil sa kalokohan ng gay lingo at jejemon language?

Huwag daw tayong mabahala, dahil ebolusyon daw ito ng ating wika –– katulad na lamang ng pagbabago ng wikang Ingles, mula sa makalumang paraan, papunta sa makapagong perspektibo.  Punyemas, e pambabastos ang ginagawa ng gay lingo at jejemon na ‘yan: mabuti sana kung may katuturan ang mga nilalaman ng mga ebolusyon na ‘yan.  Nakakatuwa na nakakainis pakinggan, pero sa totoo lang ay nakakabahala.

Mukha tayong tanga –– marami sa atin ay may hawak ngang diploma, pero kulang na kulang naman sa moralidad at edukasyon tungkol sa sariling wika.

BAGO KO MAKILALA ang nobya ko, madalas kong gamitin ang mga salitang “ibig sabihin ko” para ipahayag ang gusto ko.  At dahil mas magaling siya sa akin pagdating sa Tagalog, sinita niya ako: mali ang sinasabi ko, all the while, akala ko tama.

“Ano yang ibig sabihin mo?” sabi niya.  “Baka ibig kong sabihin?  Kasi ‘di ba, kapag ibig sabihin mo, sa Ingles no’n, what my personality means.  ‘Yong ibig kong sabihin, sa Ingles, what I am trying to say.  ‘Di ba?”

Tama siya, at mali ako: considering na ako, AB Journalism major, at siya, AB Broadcast Communication major.

Mali man ako, napaisip pa rin ako.  Ano nga ba ang ibig sabihin ko?  Ako ay Pilipino.  Tayo ay Pilipino.  Pero ano ba ang ibig nating sabihin?  Sumasang-ayon ba ang ibig sabihin natin sa ibig nating sabihin?

Tila nakakapagod na ang paulit-ulit na pagdirirwang ng Buwan ng Wika.  Isisingit pa ba natin ito sa dinami-dami ng problema natin sa Mindanao, sa Bureau of Customs, at sa MRT extortion try, oil spill sa Cavite?

Papansinin pa ba natin ‘to?

Oo.  Dahil Pilipino ka, at ang pagiging Pilipino mo ay may kasamang pribilehiyo na paggamit sa wikang ito.  Kung nilalapastangan mo ang wikang ito, hayop ka, hindi ka Pilipino.

Kung Pilipino ka, dapat, Filipino ang namumutawi sa dila mo.  Ito dapat ang ginagamit mo ng mas madalas.

Ano nga ba ang ibig sabihin mo?  Anong ibig mong sabihin?

Magkatugma ba ang sagot mo?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s